Hiniling ng City Government ng Cauayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang karagdagang pasilidad para sa Bahay Pag-asa, upang mapalawak ang serbisyong ibinibigay sa mga CICL o Children in Conflict with the Law mula sa lungsod at mga karatig-bayan.
Ayon kay Mayor Caesar Dy Jr., kamakailan ay binisita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Bahay Pag-asa sa Cauayan. Sa naturang pagbisita, muling iginiit ng LGU ang pangangailangan ng dagdag na pasilidad upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga kabataang nangangailangan ng gabay at rehabilitasyon.
May umiiral na Memorandum of Agreement (MOA) na nagbibigay ng access sa Bahay Pag-asa para sa ibang bayan sa Isabela. Kaugnay nito, binanggit ng alkalde na kasalukuyang tinatalakay sa Senado ang panukalang pagkakakulong sa mga batang paulit-ulit na sangkot sa mabibigat na krimen, sa halip na sumailalim sa rehabilitasyon.
Samantala, pinag-aaralan din ng LGU Cauayan ang paglalaan ng lote para sa pagtatayo ng bodega ng DSWD Region 2 para sa mga prepositioned relief goods na gagamitin tuwing may sakuna.
Layunin nitong mapalapit ang imbakan sa lungsod at mapababa ang gastos sa pagrerenta ng pasilidad para sa ahensya.
Isang hakbang ito patungo sa mas epektibong serbisyo para sa kapakanan ng kabataan at kahandaan sa panahon ng sakuna.











