--Ads--

Magdaragdag ng traffic signages ang Maintenance Section ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Fourth at Sixth Engineering District sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Alinam, Cauayan City bilang tugon sa insidenteng kinasangkutan ng isang dump truck na sumalpok sa gutter ng isang box culvert kahapon, Marso 4.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Lillia Herrera, J.D., Chief ng Maintenance Section ng nasabing distrito, sinabi niyang layunin ng kanilang tanggapan ang paglalagay ng mga karagdagang babala upang maagang maabisuhan ang mga motorista na magbawas ng bilis at mag-ingat sa naturang bahagi ng kalsada, nang sa gayon ay maiwasan ang kaparehong insidente.

Ayon sa kanya, committed ang kanilang opisina sa pagtiyak na ligtas ang publiko sa mga lansangan, lalo na sa mga lugar na madalas daanan ng mabibigat na sasakyan gaya ng mga dump truck.

Samantala, aprubado na rin ang budget na aabot sa ₱60 milyon para sa pagpapalapad ng naturang box culvert upang maging mas maluwag at mas ligtas ang pagdaan ng mga sasakyan sa lugar.

--Ads--

Dagdag pa ni Engr. Herrera, ito ang kauna-unahang naitalang insidente ng pagkabangga ng isang mabigat na sasakyan sa nasabing box culvert sa Brgy. Alinam, dahilan upang agad na pag-aralan ang mga hakbang para higit pang mapabuti ang kaligtasan ng mga motorista sa bahaging iyon ng national road.