CAUAYAN CITY – Nagdulot ng limang oras na mahigpit na daloy ng trapiko ang naganap na karambola ng anim na sasakyan sa kahabaan ng national highway sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Batay sa pagsisiyasat ng mga awtoridad lumalabas na nawalan ng preno ang isang cargo truck na naging sanhi ng karambola ng mga sangkot na sasakyan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bagabag Police Station, sangkot sa aksidente ang isang van na minaneho ni Nolasco Genorves, 63 anyos, bookkeeper at residente ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Kabilang pa ang isang Hilux pick-up na minaneho ni Danny Lacamang, 41 anyos, sales agent at residente ng Malapat, Cordon, Isabela.
Ang isa ay rebuilt freezer van na minaneho ni Virgilio Curbi, 55 anyos at residente ng Sta. Cruz, Antipolo City.
Sangkot din ang isang bus na minaneho ni Rommel Sagun, 42 anyos at residente ng Sta. Isabel, City of Ilagan.
Isang sasakyan na minaneho ni Army Sgt Emerson Layugan, 46 anyos at residente ng Bintawan Sur, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Ang ikaanim na sangkot ay isang cargo dropside na minaneho ni Cenon Gazzingan, 56 anyos, driver at residente ng Minante I, Cauayan City.
Batay sa pagsisiyasat ng Bagabag Police Station, mechanical defect ang naging sanhi ng karambola ng mga sasakyan.
Pansamantalang huminto ang mga sangkot na sasakyan maliban sa minanehong cargo truck ni Gazzingan sa bungad ng San Lorenzo Ruiz bridge bunsod ng ginagawang bahagi ng tulay na isang lane lamang ang ginagamit.
Nasa kasalungat na linya ang cargo truck na may lulan na 13 tonelada ng scrap metal at hindi gumana ang preno kaya nasalpok ang minanehong van ni Genorvez na dahilan ng pagkakabangga ng mga sasakyan na minamaneho nina Lacamang at Curbi.
Nabangga naman ng freezer van ang isang bus at isang SUV.
Walang nasaktan sa naganap na aksidente ngunit nagdulot ng mahigpit na daloy ng trapiko sa lugar na tumagal ng limang oras.