--Ads--

Karamihan sa mga Pilipino ay naniniwalang dapat papanagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkasawi ng mga taong nasangkot sa kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Batay ito sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025. Sa nasabing survey, tinanong ang 1,500 adult respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na may ±3 percent margin of error.

Ayon sa resulta, 50% ng mga kalahok ang sang-ayon na dapat managot si Duterte. Samantala, 32% ang hindi sumasang-ayon, 15% ang nanatiling hindi tiyak ang sagot, at 4% naman ang hindi nagbigay ng kanilang opinyon.

Naitala ang pinakamataas na porsyento ng suporta para sa pananagutan sa Visayas na may 54%, sinundan ng Metro Manila na may 53%, Balance Luzon na may 52%, at Mindanao na may 39%.

--Ads--

Lumabas ang resulta ng survey kasunod ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang kahilingan ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang paglaya. Sa desisyong iyon, inatasan ng ICC na manatili sa kustodiya ang dating Pangulo upang matiyak ang kanyang pagharap sa paglilitis, maiwasan ang posibleng panghihimasok sa imbestigasyon o proseso, at mapigilan ang posibleng paglabag pa sa batas.