--Ads--

Muling magtatangkang humirit ng gintong medalya si Karl Eldrew Yulo sa Cairo Leg ng prestihiyosong FIG Artistic Gymnastics World Cup Series na gaganapin sa Egypt.

Magsisimula ang naturang world series sa Abril 3, at layunin ni Yulo na magpakitang-gilas upang makamit ang medalya sa kanyang mga performance.

Sasabak si Yulo sa qualifying events para sa mga individual apparatus, kabilang ang floor exercise, vault, parallel bars, at horizontal bar. Hindi na niya isasali ang pommel horse at still rings dahil sa iniindang minor injury.

Dahil dito, nakatuon ang kanyang atensiyon sa mga events kung saan may pinakamalaking tsansa siyang makakuha ng medalya, lalo na sa floor exercise. Dito rin siya pinagharian sa Antalya Leg ng World Cup Series noong nakaraang buwan sa Turkey, kung saan nagtala siya ng 14.100 puntos.

--Ads--

Ito ang ikatlong leg ng World Cup Series na lalahukan ni Yulo. Sumabak siya sa Baku Leg sa Azerbaijan, kung saan nakapasok sa final round ng floor exercise at horizontal bar, ngunit hindi nakakuha ng medalya.

Sa Antalya Leg, tanging sa floor exercise lamang siya nakapasok sa final round at masuwerteng nakuha ang gintong medalya.

Inaasahan ding sasabak si Yulo sa Osijek Leg ng World Cup Series na magsisimula sa Abril 9 sa Croatia.