Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng Civil Registrar Office ng Lungsod ng Cauayan para sa gaganaping Kasalang Bayan sa darating na Pebrero 12, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nerissa Serrano, Civil Registrar Officer ng lungsod, sinabi nito na kasalukuyan nang inaasikaso at inilalakad ng kanilang tanggapan ang mga dokumento ng mga naunang nagparehistro para sa naturang aktibidad. Aniya, mahalagang maaga pa lamang ay maayos na ang mga papeles upang maiwasan ang aberya bago ang mismong araw ng kasalan.
Sa kasalukuyan ay nasa mahigit-kumulang 50 magkasintahan pa lamang ang sumusubok na magparehistro mula sa kanilang target na 200 na pares. Dahil dito, nakahanda umano ang Civil Registrar Office na palawigin ang deadline ng registration hanggang Pebrero 2, 2026, sakaling may mga nagnanais pang humabol at makilahok sa Kasalang Bayan.
Kabilang sa mga kinakailangang dokumento para sa marriage application ang valid ID, birth certificate, CENOMAR, at parent’s consent o advice para sa mga aplikanteng may edad 18 hanggang 24.
Iinakda ang orihinal na deadline ng registration sa Enero 28, 2026, ngunit nilinaw ng Civil Registrar Office na maaari itong i-extend depende sa dami ng mga magpaparehistro sa mga susunod na araw.
Patuloy naman ang panawagan ng tanggapan sa mga interesadong makibahagi sa kasalang bayan na magtungo na sa kanilang tanggapan upang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento.











