CAUAYAN CITY – Masama ang loob ngayon ng mga kasamahan ng isang Pinoy na driver ng isang bus company sa Saudi Arabia matapos na ito ay mamatay dahil sa coronavirus disease (COVID-19) na hindi man lamang nabigyan ng kaukulang lunas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Joselito Cabero Pallo, OFW at driver sa isang bus company sa Riyadh, Saudi Arabia, sinabi niya na gusto na umanong magpadala sa pagamutan ng namatay nilang kasamahan subalit nang tumawag sila ng ambulansya ay sinabihan umano sila na hindi puwede kung walang pahintulot ang doktor.
Dinala nila ito sa clinic sa compound na kanilang kinaroroonan subalit batay umano sa isang Pinoy na nurse ay sinabi umano ng doktor na hindi pa malala ang kundisyon nito kaya oobserbahan na lamang muna dahil kung dadalhin na ito sa pagamutan ay baka doon pa ito mahawa.
Ayon kay G. Pallo, dinala sa quarantine area ng compound na kanilang kinaroroonan ang namatay nilang kasamahan subalit pagkalipas ng dalawang araw ay namatay na ito.
Maari aniyang kumplikasyon ang nangyari dahil mayroon din itong highblood base na rin sa mga iniinom nitong gamot.
Ayon naman umano sa kanyang asawa, nasabi pa nito na minsan ay nagdudura na siya ng dugo.
Masama aniya ang kanilang loob dahil kung nadala sana agad ito sa ospital ay posibleng buhay pa ito.
Alam naman na aniya ng pamilya ng namatay nilang kasamahan sa Catbalogan, Samar ang nangyari at ang inaalala lamang nila ngayon ay kung nasaan na ang katawan nito dahil nang kinuha umano ito sa kanilang compound ay hindi na rin nila alam kung saan ito dinala.
Inihayag naman ni Ginoong Pallo na dahil nagkaroon sila ng close contact sa namatay nilang kasamahan ay nagdidis-infect na lamang sila at palaging naghuhugas batay na rin sa payo sa kanila ng Pinoy na nurse doon.











