Matapos ang pitong taon ng pagtatago, naaresto na ng mga awtoridad ang isang 62-anyos na lalaki na wanted sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa Rizal, Cagayan noong 2018.
Ang suspek na nakilala sa alyas “Simeon” ay nahuli sa isang manhunt operation sa Buntun, Tuguegarao City noong Disyembre 2, 2025.
Si alyas Simeon ay naitala bilang Number 6 Regional Most Wanted Person sa Region 2 at umano’y kasapi ng Labang Crime Group, isang sindikatong sangkot sa gun-for-hire, robbery/hold-up, akyat-bahay, extortion, carnapping, at iba pang kriminal na operasyon.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang akusado at apat na kasamahan ang nanambang sa Barangay Kagawad Alfred Alvarez noong Hulyo 29, 2018 sa Barangay San Gabriel, Tuguegarao City.
Binabaril si Alvarez habang minamaneho ang kanyang sasakyan, na agad ikinasawi nito.
Isa sa mga suspek, si Jessie Labang, ay naaresto noong 2018 ngunit itinanggi ang kanyang partisipasyon. Kalaunan ay iniulat na pinatay siya ni Simeon kapalit ng salapi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya posibleng politically motivated ang pagpatay, dahil si Simeon at ang kanyang grupo ay umano’y konektado kay dating Rizal Vice-Mayor Joel Ruma.
Si Ruma ay kinasuhan bilang mastermind sa krimen, ngunit noong Abril 23, 2025, siya mismo ay binaril at napatay sa isang campaign rally sa Barangay Illuru Sur, Rizal.
Ayon kay CIDG Director PMGEN Robert Alexander Morico II, ang pagkakaaresto kay Simeon ay tagumpay ng intelligence-driven manhunt operation.






