--Ads--

CAUAYAN CITY– Kinilala mismo ng kanyang pamilya ang nasawing miyembro ng New Peoples Army o NPA sa naganap na sagupaan sa Sitio Lagan, Barangay Gawa-an, Balbalan, Kalinga.

Ang nasawing NPA ay si Roy Aggulin Battawang alias Louie, 55 anyos at residente ng Amacian, Pinukpuk, Kalinga.

Siya ang nagsilbing squad leader o IED maker ng Squad Uno, Regional Sentro De Gravidad, Ilocos Cordillera Regional Committee.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na, matapos ang sagupaan ay ibinaba ang katawan ng nasawing NPA at dinala sa isang punerarya.

--Ads--

Mismong pamilya ni ALyas Louie ang kumilala sa kanya bago iniuwi sa kanilang tahanan sa Ammacian, Pinukpuk, Kalinga.

Batay sa pamilya nito tinatayang naging kasapi ng NPA si Alyas Louie noon pang dekada otsenta o 1980’s at nahikayat itong sumapi o umanib sa rebeldeng pangkat dahil sa ipinangakong magandang buhay at mas magandang oportunidad.

Hindi naman umano nawawalan ng komunikasyon si alyas Louie sa kanyang pamilya kaya tuwing makakausap nila ito ay hinihikayat nilang sumuko na at magbalik loob subalit hindi ito sumuko.

Matatandaang noong ika labing lima ng Marso ay nakasagupa ng 98th Infantry Battalion ang komunistang grupo sa Sitio Lagan, Barangay Gawa-an, Balbalan, Kalinga at nasawi si alyas Louie.

Ang pahayag ni Army Major Rigor Pamittan.