--Ads--

CAUAYAN CITY- Sumampa na sa 4,095 ang naitalang kaso ng Dengue sa buong Lalawigan na may labing apat na pagkasawi habang tumaas rin ang mortality rate ng Leptospirosis na kasalukuyang may walong kaso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Marvin Valiente ng Isabela Provincial Health Office sinabi niya na batay sa mga datos ay makikita ang significant increase sa naitatalang kaso ng Dengue at Leptospirosis sa Lalawigan.

Isa sa nakikitang dahilan ay ang mga nararanasang pag-ulan liban pa sa mga naitalang pagbaha noong mga nagdaang bagyo.

Aniya, mas mataas ng 1,097 na kaso ng Dengue ngayong buwan ng nobyembre kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

--Ads--

Nangunguna dito ang Lunsod ng Ilagan na may 408, Echague na may 399 na kaso, Jones na may 290 at Cordon na may 241 cases .

Maliban sa Dengue ay sumirit din ang kaso ng Leptospirosis sa Isabela na may 217 cases at walo na ang kumpirmadong nasawi na pawang mga magsasaka.

Mula sa mga naitalang kaso nakapagtala ang San Mariano ng 19 cases, Echague na may 17 cases, at Jones na may 14 reported cases.

Dahil sa sumisirit na kaso ay nagpapaalala ang Provincial Health Office para makaiwas sa naturang mga sakit maliban sa ginagawang information drive kada Barangay.

Nagkakaloob din sila ng insecticide sa mga Barangay na may mataas na kaso ng Dengue.

Pinag-iingat ang mga magsasaka sa pag lusong sa baha, ugaliing magsuot ng bota at kung hindi maiwasan ay agad na magtungo sa RHU at humingi ng gamot na Doxycycline.