CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit dalawang libo ang kaso ng dengue sa Isabela mula noong Enero ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Arlene Lazaro, Assistant Provincial Health Officer ng lalawigan ng Isabela na mula Enero hanggang ikawalo ng Hulyo ay mayroon ng 2,067 na kaso ng dengue na naitala sa Isabela.
Ngayong Hulyo lamang ay may naitala na silang kaso ng dengue na isang daan labintatlo habang noong Hunyo ay walong daan labintatlo.
Kailangan aniyang magtulungan ang lahat sa paglilinis lalo na sa mga pinamumugaran ng lamok para hindi na madagdagan pa ang mga kaso ng dengue sa lalawigan.
Samantala, karamihan pa rin sa mga naa-admit sa Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital ay non-COVID patients.
Hanggang kahapon ay mayroong non-COVID admission na isang daan labing isa habang ang COVID related patients ay dalawampo pero labing siyam ang suspect at isa ang positibo sa COVID-19.
Karamihan sa mga dinadala sa pagamutan ay may highblood, nakakaranas ng respiratory diseases at Loose bowel movement o LBM.
Mayroon din silang mga OB cases at kaso ng dengue.
Ayon kay Dr. Lazaro, may pagtaas ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan pero kaya pa naman ito ngayon ng mga pagamutan dahil apatnapu’t anim ang aktibong kaso ngayon sa buong probinsya at mild lang naman ang kanilang kalagayan.
Hinikayat niyang muli ang mga tao na magpabooster shot na at kung hindi pa nabakunahan ng kontra COVID-19 ay magpabakuna na.