--Ads--

CAUAYAN CITY – Tumaas ang bilang ng mga nagkakasakit ng mga food water borne disease dahil sa init ng panahon ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Janet Ibay, Medical Officer IV at Head ng Communicable Disease Cluster ng DOH Region 2, kanyang sinabi na isa sa nakitaan ng pagtaas ay ang mga kaso ng food water borne disease gaya ng pagdudumi na dulot ng iba’t ibang mikrobyo na dumarami ngayong mainit ang panahon.

Batay sa datos mula Enero hanggang Marso ngayong taon ay nagkaroon ng bahagyang pagtaas kumpara sa kaparehong mga buwan noong nakaraang taon.

Halimbawa nito ay ang typhoid fever at may naitala silang nasawi sa probinsya ng Cagayan.

--Ads--

Sa kabila ng pagtaas ay hindi pa naman ito masasabing outbreak subalit patuloy nilang binabantayan ang kaso ng typhoid fever pangunahin sa Isabela at Quirino dahil sa ngayon ay umabot na sa 249 ang naitalang kaso ngayong taon sa buong lambak ng Cagayan.

Isa sa dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang pag-iimbak ng tubig sa hindi malinis na lalagyan o dahil sa hindi natakpan na imbakan kaya ito dinadapuan ng mga insekto na puwedeng maging dahilan ng kontaminasyon sa tubig.

Ayon kay Dr. Ibay, may mga nakukuha na ring ulat ang DOH Region 2 na may mga lugar sa rehiyon na nagkukulang ang supply ng tubig kaya may mga iba na posibleng kumukuha ng tubig sa mga hindi malinis na source na posibleng pinamumugaran ng mga mikrobyo.

Upang maiwasan ang pagkakasakit ay dapat ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay at huwag ng maghanda ng pagkain kung may sakit upang maiwasan ang hawaan.

Wala pa namang naitatala ang DOH Region 2 na kaso ng heat stroke at heat exhaustion.