--Ads--

Umabot sa 2,396 kaso ng leptospirosis ang naitala ng Department of Health (DOH) mula Hunyo 8 o isang linggo matapos ideklara ng PAGASA ang tag-ulan.

Nakaalerto na ang mga DOH Hospitals sa bansa at nagbukas na rin ng ilang mga leptospirosis fast lanes para mabilis na matingnan ang mga pasyenteng dudulog ng konsultasyon.

Simula alas-10 ng umaga nitong Agosto 9, 2025 nasa 19 DOH hospitals na ang kumpirmadong may Leptospirosis Fast Lanes. Dito nangyayari ang assessment para malaman kung kailangan i-admit sa ospital ang pasyente o hindi. Dito rin tinitingnan ang risk level ng pasyente para mabigyan ng reseta sa tamang paggamit ng doxycycline.

Paalala ng DOH, agad na kumonsulta sa doktor kung nalubog sa baha o putik dahil sa ulan.

--Ads--

‎Handa naman ang ahensya sa inaasahang pagtaas sa kaso ng leptospirosis matapos ang sunud-sunod na pagbaha mula Hulyo 21 dulot ng habagat, bagyong Crising, Dante, at Emong.

Samantala, binabantayan din ng DOH ang mga kaso ng dengue na umabot na sa 8,171 mula Hulyo 6-Hulyo 19. Mas mababa ito ng 33% kumpara noong Hunyo 22-Hulyo 5, na nasa 12,166 kaso.

Payo ng DOH, huwag maging kampante sa banta ng dengue, maaraw man o maulan.

Matatandaang sinabi ng ahensya na Pebrero nitong taon na maaaring tumaas ang kaso ng dengue ngayong tag-ulan pero ano mang panahon ay puwedeng mangitlog ang lamok at makapagkalat ng sakit.

Paalala pa rin ng DOH na ugaliing isagawa ang 4Ts–taob, taktak, tuyo, at takip tuwing alas-4:00 ng hapon para mapuksa ang mga pinamamahayan ng lamok lalo ngayong natapos ang ulan at maa­aring may mga naipong tubig na pamamahayan ng lamok.