--Ads--

Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na itinuturing na tapos o case closed na ang imbestigasyon sa pagpaslang sa isang policewoman at sa kanyang anak.

Sa press briefing nitong Martes, kinilala ni Remulla ang apat na pangunahing suspek sa pagpatay kina Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at sa kanyang walong taong gulang na anak na si John Ysmael.

Kabilang sa mga suspek ang mag-asawang dating pulis at car agent na sina Christian Suarez Panganiban at Pia Panganiban na itinuturing umanong utak ng krimen, kasama ang kanilang kasabwat na si Gil Valdemoro Dy Jr., at ang kapatid ng dating pulis na si Maribel Suarez Panganiban.

Lumabas sa imbestigasyon na ang motibo sa krimen ay may kaugnayan sa bentahan ng sasakyan na nagkakahalaga ng P450,000. Natukoy rin na ang salarin ay isang inaanak sa kasal ng biktima at pinaslang si Mollenido sa pamamagitan ng tama ng bala.

--Ads--

Ayon kay Remulla, sapat na ang mga ebidensya upang ituring na sarado ang kaso at isasampa na ang kaukulang mga kaso laban sa mga suspek.

Samantala, nilinaw ni Remulla na hindi pa rin inaalis ang pananagutan ng asawa ng biktima na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido. Aniya, tatlong taon nang hiwalay ang mag-asawa at nang pumanaw ang biktima, agad itong ipina-cremate kasama ang suot na damit nang hindi muna isinailalim sa autopsy.

Dagdag pa niya, kapansin-pansin umano ang kawalan ng emosyon ng asawa ng biktima sa gitna ng imbestigasyon, sa kabila ng pagpaslang sa kanyang asawa at anak.