Nakilala na ang natagpuang bangkay ng isang babae sa ilog na nasasakupan ng Barangay Macalauat, Angadanan, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, pasado alas-nuebe ng umaga noong December 22, iniulat sa pulisya ang pagkakatagpo ng bangkay sa maputik na bahagi ng ilog.
Nitong umaga, iniulat ng mga concerned citizen ang palutang-lutang na bangkay ng isang babae na nakasuot ng puting t-shirt at itim na pantalon sa ilog na nasasakupan ng Barangay Macalauat, Angadanan, Isabela.
Ngayong hapon, personal na nagtungo ang pamilya ng nasawi at kinumpirma na ito ang katawan ng dalagitang si Maice Gutierrez, na ilang araw nang nawawala sa Lungsod ng Santiago.
Nakilala ng pamilya ang kaanak dahil sa suot na damit at hikaw.
Sa ngayon, nailipat na sa isang punerarya sa Lungsod ng Santiago ang labi ng dalagita.
Kung matatandaan, nitong December 17 napaulat na nawawala ang dalagita matapos umanong tumalon sa tulay sa Barangay Buenavista, Santiago City.
Samantala, naging maagap naman ang pagtugon ng pamunuan ng Barangay Macalauat sa insidente.
Inihayag ni Kapitan Joel Coloma na agad siyang nagpadala ng mga Barangay Tanod at Barangay Kagawad sa lugar kung saan nakita ang bangkay ni Maice upang hindi ito anurin o tangayin ng tubig palayo habang hinihintay ang mga pulis na siyang magsasagawa ng imbestigasyon.
Nagpasalamat naman siya sa kaniyang mga ka-barangay na mabilis na nagparating ng impormasyon sa mga kinauukulan.











