--Ads--

CAUAYAN CITY- Patay na nang matagpuan ang isang dalagita matapos malunod sa Chico River sa Brgy. Tocucan, Bontoc, Mountain Province.

Ang nasawi ay si Veneizah Rupinta Atiwag, 12 anyos, Grade 6 pupil at residente ng nabanggit na barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ryan Wakat, hepe ng Bontoc Municipal Police Station sinabi niya na bago ang insidente ay naglalaro ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa ilog na malapit lamang sa kanilang paaralan.

Habang naglalaro ay bigla umanong nadulas ang dalagita at nahulog sa ilog.

--Ads--

Kaagad naman umanong ipinaalam ng mga kasamahan ng biktima ang nangyari sa isang matanda na nasa lugar na siyang agad humingi ng tulong sa mga otoridad.

Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga miyembro ng Bontoc Municipal Fire Station, Bontoc Municipal Police Station at Bontoc Emergency Response Team.

Nagsagawa din ng mga ritwal ang mga lokal sa ilog sa pag-asang makikita ang dalagita.

Dakong tanghali noong abente singko ng Mayo, nakita ang bangkay ng dalagita isang daan at limampung metro ang layo mula sa kung saan ito nahulog.

Samantala isinailalim naman sa Psychological First Aid ang mga kaibigan ng biktima na kasama nito na nagtungo sa ilog.