--Ads--

CAUAYAN CITY- Wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng labing isang taong gulang  na mag-aaral matapos malunod sa Bayan ng Pinukpuk, Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Chester Boclongan, ang Acting Chief of Police ng Pinukpuk Municipal Police Station,sinabi niya na ang biktim ay isang 11-taong gulang na mag-aaral mula sa Camalog Elementary School sa Pinukpuk.

Ayon sa unang imbestigasyon ng pulisya, ang bata ay naliligo sa ilog sa Camalog kasama ang kanyang mga kaibigan noong Sabado, Enero 25 nang mangyari ang insidente. Noong mga oras na iyon, ang biktima ay napadpad sa mas malalim na bahagi ng ilog at tinangay ng malakas na agos ng tubig.

Matapos maiparating ang insidente sa mga awtoridad, isang search and retrieval team na binubuo ng mga miyembro ng hukbong sandatahan, pulis, BFP, PDRRM, lokal na pamahalaan, at mga opisyal ng barangay ang ipinadala upang hanapin ang 11-taong gulang na biktima.

--Ads--

Noong Lunes, dalawang araw matapos ang insidente, natagpuan ang walang buhay na katawan ng bata sa kahabaan ng Chico River  sa Sitio Abbot, Bagumbayan, Tuao, Cagayan.

Ang labi ng biktima ay dinala sa punerarya sa Tabuk City matapos itong matagpuan.