
CAUAYAN CITY – Hindi pa rin makapaniwala ang isang katutubong Agta na nagawa niyang magtapos sa kolehiyo sa Sta. Ana, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Zeny Cepeda na hindi siya makapaniwala na nagawa niyang makapagtapos sa pag-aaral pero masayang-masaya siya dahil nagawa niyang maabot ang kanyang pangarap.
Sa kanilang komunidad aniya ay marami na rin ang nakapagtapos at nagtatrabaho na ngayon kaya masaya siya kasama ang kapwa niya katutubo na si Juvy Gonzalo dahil napasama na sila sa kanila ngayon at alam nilang magiging daan sila para maging inspirasyon ng mga kabataan lalo na sa mga kapwa nila katutubo.
Aniya, nagsimula siya sa Alternative Learning System o ALS dahil nasa Grade 4 lamang siya noon nang naglakas loob siyang mag-exam ng para sa secondary at dahil naipasa niya ay nakapag-Grade 11 siya noong 2016 hanggang sa matapos niya ang senior High School at makapasok sa St. Anthony College at kumuha ng Bachelor of Arts in Secondary Education.
Marami siyang napagdaanan na pambubully habang nag-aaral lalo na noong nasa elementarya pa lamang siya.
Lagi niyang naririnig ang mga kataga sa iloko na “basta kulot, pugot” pero hindi siya tumigil para maabot ang kanyang mga pangarap at lalong pinag-igihan ang kanyang pag-aaral.
Inamin naman niya na kapag naririnig niya noon ang mga salitang ito ay parang gusto niyang magbigti at dumating pa sa puntong tinanong niya ang kanyang nanay kung bakit ganoon ang kanyang itsura.
Ayon kay Cepeda, habang nag-aaral ay naranasan niyang magworking student.
Nagpapasalamat naman siya sa lahat ng mga tumulong sa kanya lalo na ang The Mission House of Charity na humubog at tumulong sa kanya.
Sa ngayon ay tatlumpong taong gulang na siya at may tatlong anak na kanyang naging inspirasyon gayundin ang kanyang pamilya.
Paghahandaan naman niya ngayon ang kanyang pagrereview para sa Licensure Examination for Teachers o LET at susubukan din niyang mag-apply ng trabaho.










