
CAUAYAN CITY – Negatibo na sa ikalawang swab test ang kauna-unahang Coronavirus Disease (COVID-19) positive patient sa San Mariano, Isabela.
Nakauwi na sa kanilang lugar at kapiling na ni patient VC42 ang kanyang pamilya matapos na mag-negatibo sa ikalawang swab test sa kanya sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Health Officer (MHO) Dr. Almira Reyes ng San Mariano, sinabi niya na isinagawa ang ikalawang swab test sa naturang pasyente noong June 23, 2020 at negatibo na ang resulta.
Dumating noong June 7, 2020 ang pasyente at sinundo siya sa San Mariano Junction sa Naguilian, Isabela at idiniretso sa quarantine facility sa Alibadabad, San Mariano, Isabela kaya hindi na nakauwi sa kanilang barangay.
Nakiusap si Dr. Reyes sa mga mamamayan na iwasang mag-discriminate sa mga mamamayan sa mga lugar na nakapagtala ng COVID 19 positive patient dahil tao rin sila na nasasaktan sa hindi magandang pagtrato sa kanila.
Ang kanyang panawagan ay bunsod ng impormasyon na isang individual sa San Mariano, isabela ang hindi pinapasok sa isang bangko matapos na mapabalita na may nagpositibo sa COVID-19 sa nasabing bayan.










