
CAUAYAN CITY – Galing sa Metro Manila at hindi pa nakauwi sa kanilang bahay sa Mallabo, San Mariano, Isabela ang pinakaunang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa naturang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Edgar Go ng San Mariano na ang nagpositibo sa COVID-19 ay 31 anyos na lalaki na residente ng Mallabo at nagtatrabaho sa Metro Manila.
Siya ay dumating sa San Mariano, Isabela noong June 7, 2020.
Nilinaw ni Mayor Go na hindi pa nakauwi sa kanilang barangay ang COVID-19 positive patient dahil sinundo agad siya ng LGU San Mariano para dalhin sa quarantine facility.
Isinailalim siya sa swab test at lumabas na positibo sa virus kaya dinala na siya sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lunsod ng Santiago.
Isinailalim na rin sa swab test ng tatlong roommate nito sa quarantine facility at negatibo ang resulta.
Lahat ng kanyang mga nakahalubilo sa quarantine facility ng San Mariano ay isasailalim din sa swab test para matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Laking pasasalamat ni Mayor Go dahil sumunod ang COVID-19 positive patient sa mga panuntunan ng pamahalaan kaya agad nalaman ang kanyang kalagayan .










