Inilunsad na sa Lungsod ng Ilagan ang kauna-unahang feed mill sa Isabela na magpapadali sa pagproseso ng mais upang gawing feeds para sa mga hayop.
Malaking tulong ito sa kita at kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at livestock raisers sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng Department of Agriculture (DA) Region 2, sinabi niyang malaking benepisyo ang feed mill sa mga nagtatanim ng mais dahil mas malapit na ito sa kanilang lugar. Dahil dito, mas mababa nang kaunti ang presyo ng feeds at mas sariwa kumpara sa mga dating inaangkat mula sa malalayong lugar.
Nilinaw niya na makatutulong ang hakbang na ito upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at mas maging kapaki-pakinabang ang kanilang ani sa lokal na merkado.
Binigyang-diin din ng DA ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalidad ng feeds sa pamamagitan ng paggamit ng mas maayos na farm inputs, bukod sa fertilizers. Nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagsisiguro na magiging sustainable ang operasyon ng feed mill at matutugunan ang pangangailangan ng rehiyon para sa mataas na kalidad na animal feeds.
Kasabay ng feed mill, nilagdaan din ang isang Memorandum of Agreement para sa konstruksyon at implementasyon ng isang ₱10 milyong mango at calamansi processing facility. Layunin nitong tulungan ang mga mango at calamansi growers sa Region 2 na direktang maipamarket ang kanilang produkto sa loob ng rehiyon, maiwasan ang pagkasira ng ani sa transportasyon, at mapataas ang kanilang kita.
Inaasahan na ang feed mill at ang processing facility ay magsisilbing mahalagang suporta sa mga lokal na magsasaka, magpapalakas sa sektor ng agrikultura sa rehiyon, at magbibigay ng mas maayos na kita at oportunidad sa mga rural na komunidad sa Isabela.





