
CAUAYAN CITY – Isasagawa ngayong araw sa lunsod ng Ilagan ang paglulunsad ng kauna-unahan sa rehiyon na modernized Public Utility Vehicles.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sherwin Balloga, Traffic Supervisor ng CTMG Ilagan, sinabi niya na aabot sa 58 units ng modernized PUJ class 2 na bibiyahe sa siyam na ruta ang ilulunsad ngayong umaga sa lunsod.
Gaganapin ito sa isang hotel sa malaking mall sa bahagi ng Alibagu at dadaluhan ng pamahalaang lunsod, DOTR at LTFRB.
Ayon kay Balloga katuwang ng pamahalaang lunsod dito ang DOTr at LTFRB.
Hindi lamang sa poblasyon bibyahe ang mga bagong unit ng PUJs dahil may mga bibiyahe rin sa ilang barangay.
Ang ruta ng mga PUJs ay kinabibilangan ng Centro hanggang Bliss, Centro hanggang Alibagu, Balikatan hanggang Mangkuram, Balikatan hanggang Gayung-gayong Sur at North, Baligatan ganggang Centro San Antonio, Baligatan hanggang San Juan, Baligatan hanggang Santa Isabel, Baligatan hanggang Villa Imelda at Balikatan hanggang Bagong Silang.
Bagamat wala pang inilalabas na fare matrix ay tiniyak ni Ginoong Balloga na ang magiging pasahe sa mga PUJs ay nakabatay pa rin sa dating pasahe o regular fare na ipinapatupad ng LTFRB.
Maaaring magkaroon muna ng testing o dry run ang mga PUJs sa pagbyahe sa ilang barangay.
Pinabulaanan ni Balloga ang kumakalat na impormasyon na mawawala na ang mga tricycle dahil sa mga bagong pampublikong transportasyon.
Aniya, ito ay bahagi lamang ng programa ng pamahalaang lunsod para sa Livable City in 2030.
Iginiit niya na hindi ito magiging kakompetensya ng mga iba pang pampublikong transportasyon dahil nakadipende naman umano sa mga pasahero kung kanino sila sasakay lalo na ngayong nagtitipid na ang lahat.










