--Ads--

‎Matagumpay na naisagawa sa Cauayan City ang kauna-unahang National Summit ng Project WATCH o We Advocate Time Consciousness and Honesty, kung saan nagtipon-tipon ang mga guro, school heads, at administrators mula sa iba’t ibang lungsod at bayan ng Region 2 upang palakasin ang adbokasiya para sa pagiging maagap at matapat sa lahat ng gawain sa paaralan man o komunidad.

‎Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Garry Galutera, ang National Chairman ng Project WATCH, sinabi nito  na layunin nitong pagtibayin ang kultura ng time consciousness at honesty sa mga institusyong pang-edukasyon.

‎Binigyang-diin niya na ang Project WATCH ay hindi lamang kampanya kundi isang pamumuhay na kailangang maitanim sa kabataan.

Ipinahayag niya na ang summit ay mahalagang hakbang upang mapalawak pa ang inisyatibang ito sa rehiyon, lalo na at napapanahon ang pangangailangan para sa mas disiplinadong paggalaw sa gitna ng modernong hamon sa edukasyon.

--Ads--

‎Tampok sa programa ang iba’t ibang plenary sessions, workshop, at pagpapakita ng mga best practices mula sa mga paaralang matagumpay na nakapagpatupad ng Project WATCH.

‎Nagbahagi rin ng kanilang karanasan ang ilang speaker na nagsilbing inspirasyon para sa mga dumalo, partikular sa kung paano naiaangat ng punctuality at honesty ang kalidad ng edukasyon at serbisyong pampubliko.

‎Inaasahang magiging taunan ang pagsasagawa ng National Summit ng Project WATCH upang mas mapalawak pa ang saklaw ng adbokasiya sa buong bansa.

Sa pagtatapos ng programa, nag-iwan ng panawagan ang mga tagapag-organisa na suportahan at isabuhay ang diwa nito bilang pundasyon ng maunlad at matatag na lipunan.