Isinagawa ang kauna-unahang Regional Pancit Festival sa Cabagan, Isabela na pinangunahan ng Department of Tourism Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Troy Alexander Miano ng DOT Region 2, sinabi niya na itinampok sa naturang festival ang iba’t ibang pancit recipe sa Lambak ng Cagayan.
Agaw pansin naman ang isang bilao ng pansit cabagan na may laking 12 feet na pinagtulungang lutuin ng bawat barangay sa bayan ng Cabagan at pinagsaluhan ng lahat ng mga dumalo.
Ang pagluluto ng isang bilao ng pansit ay isa na umanong tradisyon sa bayan ng Cabagan kung saan palaki ng palaki ang diameter ng ginagamit na bilao kada taon.
Hindi lamang sila nagluto ng pansit dahil itinuro rin ang tamang paraan at sikreto sa pagluto ng pansit cabagan.
Ang nagpapalasa sa kanilang pansit ay ang locally made soy sause na ginagamit sa pagluluto kaya naman hindi magaya ng ibang mga lugar ang lasa ng kanilang pansit.
Ang Regional Pancit Festival ay iikot sa buong Rehiyon kung saan sa susunod na taon ay sa Lungsod naman ng Tuguegarao ito idaraos tampok ang pinagmamalaki nitong Pansit Batil Patong.
Dahil tanyag na sa bansa ang pansit recipe sa Region 2 pangunahin na ang Pansit Cabagan ay target naman nila ngayon na makilala sa buong mundo bilang Queen Noodles ng Pilipinas.