RIO DE JANEIRO, Brazil — Inaprubahan ng mga awtoridad sa Brazil ang kauna-unahang single-dose na bakuna laban sa dengue sa buong mundo, isang hakbang na tinawag nilang “makasaysayan” habang patuloy na tumataas ang kaso ng sakit na dulot ng lamok dahil sa pag-init ng klima.
Ang dengue, na kilala sa matinding sintomas na parang trangkaso, matinding pagod at pananakit ng katawan, ay umabot sa rekord na antas sa buong mundo noong 2024. Iniuugnay ng mga mananaliksik ang mabilis na pagkalat nito sa climate change.
Inaprubahan ng health regulatory agency ng bansa, ang ANVISA, ang paggamit ng Butantan-DV, isang bakunang binuo ng Butantan Institute sa São Paulo para sa mga taong may edad 12 hanggang 59.
Sa kasalukuyan, ang tanging available na bakuna laban sa dengue sa buong mundo ay ang TAK-003, na nangangailangan ng dalawang turok na may pagitan na tatlong buwan, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ang bagong single-dose na bakuna, na binuo matapos ang walong taong clinical trials sa iba’t ibang panig ng Brazil, ay magpapabilis at magpapadali sa mga kampanya ng pagbabakuna.
Ipinakita ng klinikal na pag-aaral, na nilahukan ng mahigit 16,000 volunteers, na ang bakuna ay may 91.6 porsiyentong bisa laban sa malubhang dengue.
Nakukuha ang dengue sa kagat ng infected na lamok na Aedes, na ngayon ay kumakalat na sa mga lugar na dati’y hindi nito tirahan — dahilan upang magkaroon ng mga kaso sa Europa at ilang bahagi ng Estados Unidos.
Ayon sa WHO, umabot sa higit 14.6 milyong kaso at halos 12,000 pagkamatay ang naitala noong 2024 na siyang ang pinakamataas sa kasaysayan. Kalahati ng mga namatay ay mula sa Brazil.
Isang pag-aaral mula sa Stanford University noong 2024 ang nagtantya na 19 porsiyento ng mga kaso ng dengue noong taong iyon ay maiuugnay sa global warming.
Ipinahayag din ni Health Minister Alexandre Padilha na nakipagkasundo ang Brazil sa kumpanyang Tsino na WuXi Biologics para sa paghahatid ng humigit-kumulang 30 milyong dosis ng bakuna sa ikalawang kalahati ng 2026.











