
CAUAYAN CITY – Nakatanggap ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) mula sa Department of Health (DOH
ng kauna-unahang specialized ambulance sa region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glen Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na siya mismo ang nagtungo sa punong tanggapan ng DOH upang tanggapin ang specialized ambulance.
Ayon kay Dr. Baggao, ang ambulansiya ay malaking tulong sa mga pasyenteng dadalhin sa ospital dahil may makabagong kagamitan sa loob nito tulad ng negative pressure na katumbas ng isolation room ng isang ospital na hindi na lalabas ang mga nakakahawang bacteria o virus at naiiwan lamang sa loob.
Bukod dito ay may sariling ventilator na wala sa ibang ambulansiya na makakatulong sakaling magkaroon ng problema ang pasyente ay agad na ma-intubate at ikokonekta sa ventilator.
Ang ambulasiya ay mayroon ding cardiac monitor, mini-operating room at delivery set at maaaring magpaanak sa loob ng ambulansiya.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na mayroon ding pangkuryente sa puso kapag naghihingalo ang isang pasyente bukod pa sa heavy duty na stethoscope at iba’t ibang kagamitan.




