CAUAYAN CITY – Pinondohan ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya o DOST ng apatnaput isang milyong piso ang Storm Water Infrastracture Management System sa Lunsod ng Cauayan.
Bukod pa dito ang bahaging pondo mula sa Isabela State University at pamahalaang Lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Lucio Calimag, panlalawigang director ng DOST Isabela na itatayo ang mga water harvester sa mga malalaking gusali sa Lunsod.
Tampok dito ang malaking container na kokolekta ng tubig kapag malakas ang ulan.
Layunin nito na mahadlangan ang biglaang pagbaha at ang maiipon na tubig ay gagamitin na panghugas at pagdilig ng mga halaman.
Bago maipon ang tubig ay mayroon nang filtration at treatment para maiwasang pamugaran ng lamok.
Teknolohiya ito na galing sa ibang bansa at ginagamit na sa Japan.
May mga eksperto sa Balik Scientist na tumutulong sa kanila sa pagpapatayo ng mga water infrastracture.
Ayon kay Ginoong Calimag, sa susunod na linggo ay dadalo sila sa Water Summit sa Cebu para malaman ang mga proyekto na puwedeng ipatupad sa Lambak ng Cagayan.