--Ads--

Isinagawa nitong Huwebes sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan ang kauna-unahang “Tsunami Drill” kasabay ng 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED).

Pinangunahan ang aktibidad ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 at Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamumuno ni Gov. Edgar Aglipay, katuwang ang Municipal DRRM Office ng Sta. Ana, Philippine Coast Guard, Philippine Red Cross, kapulisan, at kasundaluhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OCD Region 2 Spokesperson Mia Carbonel, sinabi niyang lumahok sa drill ang mga residente mula sa mga Barangay San Vicente at Tangatan, kabilang ang mga guro at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan doon. Maayos na isinagawa ng mga kalahok ang duck, cover, and hold technique bago lumikas patungo sa evacuation area.

Aniya malaking tulong ang naturang pagsasanay upang malaman nila ang tamang gagawin sa oras ng lindol o tsunami.

--Ads--

Sa pagtatapos ng drill, nagpasalamat si Carbonel sa aktibong pakikilahok ng mga residente. Namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng 100 hygiene kits, 200 hygiene kits mula sa OCD, at 10 megaphones para sa mga barangay.

Ayon sa PDRRMO, planong isagawa ang mga katulad na tsunami drill sa iba pang coastal municipalities ng Cagayan sa mga susunod na buwan.