CAUAYAN CITY- Nagbigay ng paalala si Sangguniang Panlalawigan Ex-Officio member Roher Ballad, Pangulo ng Liga barangay Federation sa Isabela sa mga mamamayan pangunahin na ang mga magsasaka na mag-ingat sa pagkakatuklaw ng mga makamandag na ahas.
Ito ay makaraang, dalawa na ang namatay sa kanilang bayan sa Echague, Isabela dahil sa tuklaw ng ahas.
Ayon kay Sangguniang Panlalawigan member Ballad, napakahirap ang sitwasyon ng makagat ng ahas dahil napakabilis ang pagkalat ng kamandag.
Kahit pa anya umabot agad sa ospital kung wala namang anti-venom sa nasabing pagamutan ay tiyak na manganganib ang kanilang buhay.
Pinaalalahanan pa ni SP Member Ballad ang mga magsasaka na magsuot ng bota kapag nasa bukid.
Tutugunan naman ng Committee on health ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang nasabing suliranin upang magkaroon ng stock ng anti-venom ang mga pampublikong pagamutan sa Isabela.




