CAUAYAN CITY – Nakatakdang sampahan ng mga kaso sa araw ng Lunes ang isang kawani ng pamahalaang lunsod ng Cauayan na naging arogante umano at nagmura matapos masita sa checkpoint sa Lunsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Sherwin Balloga, head ng City Traffic Management Group (CTMG) ng Lunsod ng Ilagan na ang naturang kawani ng pamahalaang lunsod ng Cauayan ay si Roger Cambri, 44 anyos at may asawa.
Aniya, dinala sa himpilan ng pulisya sa lunsod si Cambri dahil sa pagmumura at pagbabanta nito laban sa kanya matapos silang sitahin kahapon, August 13, 2021 sa checkpoint papasok sa Lunsod ng Cauayan.
Ayon kay Ginoong Balloga, mahaba ang pila sa daan sa papasok sa lunsod dahil sa ginagawang inspeksiyon.
Nag-overtake ang sinakyan ng naturang kawani at pumunta sa lane para sa mga truck, delivery van, ambulance, government vehicle at emergency kaya hinuli
Ibinigay naman aniya ng tsuper ng sasakyan ang kanyang lisensiya ngunit bumaba si Cambri para kunin ito at arogante ang naging pagsasalita kasabay ng pagpapakilala na siya ay kawani ng pamahalaang lunsod ng Cauayan.
Sinagot naman niya ito na ang ginawa nila ay para maging patas sa mga nakapila sa private lane ngunit hindi pa rin ito tumigil sa pagsasalita, minura at pinagbantaan siya habang nasa triage area at narinig ng dalawa niyang tauhan.
Dahil dito, tumawag na sila sa head ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa lunsod.
Ayon kay Ginoong Balloga, napag-alaman din nila na walang kaukulang dokumento sa pagbiyahe si Cambri at dalawang kasama.
Una nilang sinabi na pupunta sila sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) ngunit nang nasa City Of Ilagan Police Station na ay sinabi nila na pupunta sila sa isang doktor dahil may pipirmahan.
Aniya, nilabag ni Cambri at mga kasama ang Executive Order no. 34 series of 2021 ng City of Ilagan habang karagdagang paglabag sa Art. 151 o Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of such person kay Cambri.
Sa ngayon ay nasa himpilan pa rin ng pulisya sa lunsod ang naturang kawani para sa pagsasampa ng kaso sa Lunes para mabigyan ng leksion.
Sa kabila nito ay maaari pa aniya itong maayos.
Payo ni Ginoong Balloga sa mga motorista na para maiwasan ang mahabang pila ng sasakyan ay dapat nakahanda na ang kanilang travel document para hindi na tumagal sa checkpoint.
Kaya aniya nagtatagal ang mga sasakyan sa kanilang checkpoint ay dahil nakikiusap pa ang mga lulan ng sasakyan gayundin na nakakadagdag ng mahabang pila ang mga nag-oovertake.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Bernard Dy na kailangang igalang ang mga umiiral na batas o ordinansa.
Kahit kawani aniya si Cambri ng LGU ay walang kinalaman ang pamahalaang lunsod ng Cauayan sa kanyang naging action sa checkpoint sa Lunsod ng Ilagan.