Nagsasagawa ng Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid Training ang Rural Health Unit of Luna simula kahapon, Pebrero 16 at magtatagal hanggang Biyernes, Pebrero 20.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Cris Guillermo, Nurse II ng nasabing tanggapan, sinabi niya na mahalaga ang naturang pagsasanay para sa Local Government Unit upang maitatag at mapalakas ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Health team, gayundin ang hanay ng rescue responders sa mga barangay.
Layunin ng programa na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng paunang lunas, at mahikayat na kahit isang miyembro ng bawat pamilya ay marunong ng basic first aid.
Ayon pa kay Guillermo, may 30 kalahok na lumalahok sa pagsasanay na pinangungunahan ng anim na trainers.
Taun-taon isinasagawa ng lokal na pamahalaan ang ganitong aktibidad upang matiyak na may sapat na kahandaan at kasanayan ang komunidad sa pagtugon sa mga emergency o sakuna.
Samantala, ayon kay Pablo Mariano Jr., isa sa mga kalahok sa naturang aktibidad, mahalaga aniya ang pagsasanay lalo na pagdating sa first aid. I
binahagi niya na isa sa pinakamahalagang natutuhan niya ay ang tamang pagresponde sa mga sanggol na nahihirapang huminga o nabulunan (rescue breathing at choking response para sa mga baby).
Dagdag pa niya na bilang first timer, napagtanto niyang napakahalaga ng ganitong pagsasanay, lalo na’t isa rin siyang kawani ng lokal na pamahalaan.
Aniya, tiyak na maaaplay niya ang mga natutuhan hindi lamang sa trabaho kundi maging sa personal na buhay, lalo na sa pagbubuo ng sarili niyang pamilya balang araw.





