--Ads--

Nakalaya na si Albuera, Leyte Mayor Kerwin Espinosa matapos ipawalang-bisa ng korte ang inilabas na warrant of arrest laban sa kanya dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon ng hukuman sa nasabing kaso.

Ang self-confessed drug lord na si Espinosa ay pinalaya bandang alas-4 ng hapon nitong Miyerkules, Pebrero 11 mula sa pagkakakulong sa Cebu City Jail.

Bukod kay Espinosa, dalawa pa niyang kasamahan sa kasong murder ang nakalaya rin alinsunod sa utos ng korte.

Nahaharap si Espinosa sa kasong pagpatay na umano’y naganap noong 2024 sa Baybay City, Leyte.

--Ads--

Noong Pebrero 5, sumuko si Espinosa at ang dalawa pang akusado sa National Bureau of Investigation Central Visayas matapos maglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court Branch 14 laban sa kanila.

Ngunit matapos ang pagsusuri, napag-alaman ng korte na wala itong hurisdiksiyon sa kaso dahil hindi naman sa Cebu naganap ang krimen. Dahil dito, binawi o isinantabi ang warrant of arrest.

Nagpasalamat naman si Espinosa sa Diyos sa kanyang paglaya at iginiit na wala siyang kinalaman sa ibinibintang na krimen.