--Ads--

Muling sinuspinde ng House of Representatives si Dasmariñas City Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ng 60 araw nang walang sahod at allowance.

Ito ay kaugnay ng kanyang mga post sa social media na hindi umano angkop para sa isang miyembro ng Kongreso.

Sa sesyon ng plenaryo nitong Miyerkules, inilatag ni House Committee on Ethics and Privileges chairperson at 4Ps party-list Rep. JC Abalos ang rekomendasyon ng komite na muling suspendihin ng 60 araw si Barzaga.

Sinabi ni Abalos na napatunayan ng komite na nilabag ni Barzaga ang Section 141, Rule 20 ng Rules of the House sa pagpapatuloy nito sa pagpopost ng malicious at defamatory content sa social media sa panahon na siya ay suspendido.

--Ads--

Ayon kay Abalos binalewala ni Barzaga ang pormal na notice na ipinadala ng komite at idineklara sa pamamagitan ng social media na hindi niya ito pupuntahan.

Kasama sa mga post ni Barzaga ang alegasyon na sinuhulan ng business tycoon na si Enrique Razon ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) upang suportahan ang speakership ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez noong 2025 at pagyurak sa imahe ng namayapang si Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Sa botong 238-10 at siyam na abstention, pinagtibay ng plenaryo ang rekomendasyon ng komite.

Kasama sa parusa ni Barzaga ang babala na papatawan ito ng mas mabigat na parusa kung muling uulit. Ang susunod na parusa ay maaaring expulsion.

Si Barzaga ay unang sinuspendi ng Kamara noong Disyembre 1, 2025.