--Ads--

Nais ng National Unity Party (NUP) na matanggal bilang miyembro ng Kamara de Representantes si Dasmariñas City Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.

Ito ay dahil sa patuloy umano nitong pagpo-post sa social media ng mga walang basehang alegasyon.

Ito ang sinabi ni House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno kasabay ng pagsisiwalat na maghahain ang mga miyembro ng NUP ng cyber libel complaint laban kay Barzaga kaugnay ng sinabi nito na sila ay nasuhulan upang suportahan ang speakership ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez noong nakaraang taon.

Sinabi ni Puno na nagiging abala na si Barzaga sa mga trabaho na dapat inuuna ng Kamara de Representantes.

--Ads--

Wala pa aniyang tugon ang House Committee on Ethics and Privileges sa hiling ng mga miyembro ng NUP na isailalim si Barzaga sa isang comprehensive fitness review bago ito payagang pumasok sa Kamara kapag natapos na ang kanyang 60-araw na suspensyon.

Si Barzaga ay sinuspendi ng Kamara noong Disyembre dahil sa disorderly behavior.