Sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan ng North Korea na alisin ang impluwensya ng Western culture sa kanilang bansa, iniulat na ipinatupad ng dictator na si Kim Jong Un ang pagbabawal sa pagkain at pagbebenta ng hotdog.
Ayon sa North Korean leader, itinuturing na simbolo ng “pagtataksil” ang hotdog.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa mga pagkain at tradisyong may kaugnayan sa mga kapitalistang bansa.
Bukod sa hotdog, kasama rin sa mga ipinagbawal ang budae-jjigae, isang tanyag na Korean-American food na kilala bilang “army base stew.”
Ang maanghang na sabaw na ito ay nagmula sa paggamit ng mga canned food mula sa mga sundalong Amerikano noong Korean War.
Gayunman, mula noong 2017, ang pagkain na ito ay unti-unting nakapasok sa North Korea, na naging dahilan upang ito’y ipagbawal.
Ang mga mahuhuling nagluluto o nagbebenta ng mga ipinagbabawal na pagkain ay maaaring makulong sa mga labor camp.
Isa pang tanyag na pagkain mula sa South Korea, ang tteokbokki o rice cake ay isinama rin sa listahan ng mga bawal kainin.
Samantala, lumalabas din na pinaigting ng North Korea ang kontrol nito sa mga diborsiyo.
Ayon sa mga ulat, ang mga taong nagnanais makipaghiwalay ay kailangang humingi ng pahintulot sa gobyerno, at ang mga mahuhuling nakipagdiborsiyo nang walang sapat na dahilan ay pinapatawan ng isa hanggang anim na buwang parusa sa labor camp.
Mas mahigpit umano ang parusa sa mga kababaihan, na kadalasang nakakulong nang mas matagal kaysa sa mga kalalakihan.