Kinoronahan si Kimberly de Boer ng Curacao bilang Reina Hispanoameircana 2026 sa Santa Cruz de la Sierra, Bolivia ngayong araw ng Linggo, Pebrero 22.
Tinanghal na Reina Hispanoamericana 2026 si Boer matapos talunin ang 27 iba pang kandidata sa kompetisyon. Siya ang kinoronahan ng outgoing queen na si Dia Mate ng Pilipinas, na nagwagi noong 2025 at nagbigay sa bansa ng ikalawang korona sa pageant.
Isinuot ni de Boer ang bagong rhodium-plated crown na dinisenyo ng Venezuelan goldsmith na si Alejandro Arraiz, na may modernong disenyo at pulang kristal na krus.
Samantala, nagtapos bilang Top 13 si Beatriz McLelland, na nabigong makamit ang back-to-back na panalo para sa Pilipinas. Sa preliminary competition, ipinamalas niya ang kanyang national costume na likha ni Renel Suarez, na nagbibigay-pugay sa kauna-unahang Miss Philippines na si Pura Villanueva-Kalaw.
Kabilang sa mga nakamit ni McLelland ang titulong Miss Teen Intercontinental 2019 sa India at first runner-up sa Miss Eco Teen International 2022 sa Egypt.
Sa iba pang resulta, itinanghal na Virreina si Marta Isabel Otero Blanco ng Colombia, habang mga runner-up sina Criselys Garcia ng Dominican Republic, Melissa Payro ng Mexico, at Tiffany Gonzalez ng Puerto Rico.





