CAUAYAN CITY – Kinagigiliwan ngayon online ang naging talumpati ng isang kindergarten graduate sa kanilang graduation rites sa Alicia, Isabela.
Siya ay si Maverick Cyrus Manango Pelayo na mula sa naturang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maverick, sinabi nya na natuwa siya nang magsipalakpakan ang lahat ng mga manonood nang matapos siyang magtalumpati sa araw ng kanilang graduation.
Tinulungan aniya siya ng kaniyang nanay sa paghahanda sa kaniyang talumpati.
Pangarap naman niyang maging doktor, pulis, fire figther o piloto sa kaniyang paglaki.
Ayon naman kay Dr. Clarissa Pelayo, Ina ni Maverick, sinanay niya ang kaniyang anak na gumamit ng wikang ingles bilang pangunahing lengwahe nito kayat mas naging madali sa kaniya na intindihin ang mga nakapaloob sa kaniyang talumpati dahilan para mas madama niya ito.
Aminado naman ito na siya ang gumawa ng nilalaman ng speech ng kaniyang anak ngunit tinanggal umano ni Maverick ang ilang bahagi nito na hindi pamilyar sa kaniya dahilan para mas maging natural ang dating ng kaniyang talumpati.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagsasalita si Maverick sa harapan ng maraming tao dahil kinukuha na siyang magsalita sa ilang mga event sa school.
Nagpasalamat naman siya sa lahat ng mga na-inspire at natuwa sa naging talumpati ng kainiyang anak.