Kinoronahan bilang Ginang Agri-Tourism 2025 si Jean Marie Carillo, residente ng Cordon, Isabela kung saan tampok sa kanyang adbokasiya ang women empowerment, isang layunin na nais niyang ipalaganap sa kanyang komunidad at sa buong bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ms. Carillo, sinabi niya na bilang tagapagsulong ng women empowerment sa kanilang municipality, gusto niyang maging role model at hikayatin ang mas marami pang kababaihan na sumali sa ganitong mga aktibidad.
Ipinahayag din niya na ang kanyang adbokasiya ay nakatuon sa Rural Improvement Club na kadalasan ay iniisip ng iba na matatanda na ang mga kalahok, ngunit naniniwala siya na may mga pagkakataon pa para sa kanila.
Ayon sa kanya, hindi niya inaasahan na muling sasali sa pageant at mananalo, kaya labis ang kanyang pasasalamat sa suporta ng mga tao kahit na hindi siya kilala sa kanila.
Binigyang-diin din niya na naging kaibigan niya ang labing Isang kandidata sa pageant at na dati rin siyang lumaban bilang 1st runner-up sa Darna ng Cordon, ngunit dahil hindi available ang nanalo noon, siya na ang nirepresenta sa kasalukuyang kompetisyon.
Ibinahagi rin niya na ang pagkapanalo ay isa sa kanyang mga pangarap mula noong kabataan, at bagama’t nag-asawa na siya, ngayon niya lamang ito naabot.
Pinayuhan din niya ang kababaihan, lalo na ang mga myembro ng RIC, na huwag tumigil sa pangarap at patuloy na kumilos dahil marami pa silang kayang gawin.
VIA – Bombo Harold Apolonio











