Hindi umano apektado ang ilang mga flowershop sa lungsod ng Cauayan kahit pa man nagsulputan na ang mga handmade o DIY flowers na ibinebenta sa mga gilid ng kalsada batay sa obserbasyon ng ilang mga florist sa lungsod.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Magie Acido, florist, sinabi niya na hindi sila apektado kahit maraming nagbebenta ng hand made dahil hindi naman aniya nabawasan ang customer nila na tumatangkilik sa fresh flowers.
Bagaman sila ay mayroong dried flowers na ibinebenta, aminado pa rin umano sila na may mga customer pa ring mas gusto ng sariwang bulaklak kahit medyo may kamahalaan.
Sa ngayon ay tumaas na rin aniya ng bahagya ang presyo ng ilang mga bulaklak ngunit asahan na sa susunod na linggo ay mas lalo pa itong tataas hanggang 100 pesos bawat bouquet.
Ngayong araw ay mayroon pa ring 75-100 pesos kada piraso, habang ang bouquet na naglalaman naman ng tatlong bulaklak ay nagkakahalaga ng 300-500 pesos maliban na lamang sa customized na aabot sa 5,000 pesos.
Ang dried flowers naman ay nagkakahalaga ng 500-1,500 pesos, mas mahal kung ikukumpara sa local fresh flowers ngunit mas affordable naman kung ikukumpara sa imported fresh flowers.
Bagaman nagtaas na aniya ang presyo na normal namang nararanasan pagsapit ng Pebrero, sisikapin pa rin naman aniya nila na makapag bigay ng affordable na presyo upang marami ang makapag-abot ng bulaklak sa kanilang mga minamahal.
Sa ngayon halos kompleto na ang mga bulaklak sa flowershop tulad na lamang ng rose, equidorian, tulips, at sunflower na galing pa sa Baguio City at sa ibang bansa.
Tinitiyak naman ang sapat na suplay ng bulaklak ngayong peak season dahil sunod-sunod pa ang mga orders na idedeliver sakanila.
Mayroon lamang aniyang ilang mga klase ng bulaklak na tiyak na mabebenta agad kaya madami na ang natatanggap na reservations na hindi bumababa sa 15 customer bawat araw.






