
CAUAYAN CITY – Kinansela ni Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ang klase bukas, November 15, 2019 sa lahat ng level, mula kindergarten hanggang college sa public at private schools sa Isabela.
Maging sa pasok sa mga opisina sa public at private ay kinansela ni Gov. Albano bilang bahagi ng precautionary measures o paghahanda at pag-iingat sa posibleng magiging epekto ng inaasahang pagtama ng bagyong Ramon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na sila lang sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang may pasok bukas at sa mga susunod na araw para tutukan ang pagmonitor sa inaasahang pagtama sa Isabela ng bagyo sa araw ng Linggo.
Sinabi pa ni Gov. Albano na pinagbawalan din niyang umalis ang mga mayor sa kanilang mga bayan at siyudad dahil kailangan nilang tutukan ang mga kaganapan sa kanilang lugar.
Ang mga nakaalis na ay kailangang magtalaga ng officer-in-charge na hindi aalis sa kanilang nasasakupang lugar para masubaybayan ang mga pangyayari sa kanilang lugar sa panahon na may bagyo.
Ipinalala rin ni Gov. Albano ang ordinansa na nagbabawal ng pagbebenta at pag-inom ng alak tuwing may bagyo.










