CAUAYAN CITY – Suspendido ang klase ng lahat ng antas sa City of Ilagan ngayong araw dahil sa opening program ng National Festival of Talents (NFOT) 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Paul Bacungan ng lunsod ng Ilagan, sinabi niya na minabuti ni Mayor Jay Diaz na suspendihin ang klase sa lunsod mula elementarya hanggang sa kolehiyo dahil sa dami ng mga isasagawang aktibidad ngayong araw.
Aniya, bagamat sinuspendi ang klase ng lahat ng mga mag-aaral sa lunsod ay makikibahagi pa rin ang mga mag-aaral na nasa elementarya at sekondarya sa mga isasagawang aktibidad.
Magsisimula ang mga programa mamayang 7:30 ng umaga na kinabibilangan ng Likhawitan Composition Writing, Pintahusay, Sineliksik, Folk Dance, Jingle Writing and Singing, On the Spot Poster Making Contest, Registration for Singing Idol, Cosplay & Quiz Whiz, Furniture and Cabinet Making, Food Processing, Dressmaking, Arabic Language Spelling, PopDev Quiz, Madulang Pagkukuwento, SPFL Quiz Whiz at ang Bayle sa Kalye.
Inaasahan din ang pagdating ngayong araw ni Secretary Leonor Briones ng DepEd at kasama niya ang kanyang mga undersecretaries.
Ang opening program ng NFOT ay gaganapin sa City of Ilagan Sports Complex dakong 5:00 mamayang hapon.











