CAUAYAN CITY- Nagkansela ng klase sa elementarya at sekondarya ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan ngayong araw.
Ito ay alinsunod sa executive order no. 6 ng lalawigan na kapag umabot sa 41 degree Celcius ang heat index ay awtomatikong kanselado ang pasok ng mga mag-aaral sa nabanggit na lebel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante “Watu” Foronda, Provincial Disaster Risk Reduction ang Management Officer ng Isabela, sinabi niya na batay sa forecast ng state weather Bureau ay nasa 41 degree celcius ang heat index ngayong araw.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na bantayan ng maigi ang kanilang anak habang kanselado ang klase at huwag hayaang maglaro sa arawan.
Aniya, mapanganib ang heat index na nararanasan pagsapit ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon kaya dapat tiyakin na nasa lilim at maayos ang bentilasyon sa mga lugar kung saan kadalasang namamalagi ang mga bata.
Ugaliin din aniyang uminom ng tubig nang hindi bababa sa walong baso ng tubig kada araw.