CAUAYAN CITY – Suspendido ang pasok sa paaralan at ilang tanggapan sa lalawigan ng Batanes dahil sa banta ng pananalasa ng Typhoon Gorio.
Sa ngayon kasi ay nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 ang bayan ng Itbayat habang Signal Number 1 naman sa nalalabing bahagi ng lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niya na simula kaninang madaling araw ay nararanasan na ang pabugso-bugsong ulan sa kanilang nasasakupan.
Kanselado na rin ang lahat ng flights at biyahe sa karagatan kaya mayroon ding mga turista ang na-stranded sa Isla.
Sa ngayon ay wala pa namang naitalang mga evacuees subalit patuloy ang maigting nilang pagbabantay sa lagay ng panahon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente roon.
Isa sa nga pangunahin nilang tinututukan ay ang mga coastal communities sa Batanes at ipinagpapasalamat na lamang nila dahil hindi pa kalakihan ang alon sa karagatan sa ngayon.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko pangunahin na ang mga apektado ng bagyo na mag-ingat upang makaiwas sa mga hindi kanais-nais na insidente na maaring maitala dahil sa sama ng panahon.











