Ipinaliwanag ng isang Kongresista mula sa lalawigan ng Isabela ang rason kung bakit isa ang lalawigan sa mga may pinakamaraming flood control projects.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela 1st District Rep. Antonio “Tonypet” Albano, sinabi niya na napakalaki ng Isabela at kung susumahin nasa tatlong probinsya ang kasinglaki nito at maraming malalaking ilog na dapat pagtuunan ng pansin.
Nangangailangan ito ng maraming flood control projects dahil kahit ulang lamang at walang bagyo ay may mga lugar na binabaha sa lalawigan. Aniya hindi naman sila hihingi ng pondo para sa flood control sa DPWH kung hindi ito kailangan.
Nilinaw niya na ang mga ito ay national projects at hindi hinahawakan ng district engineers. Dumadaan din aniya ang mga flood control projects sa masusing pag-aaral kung saan ito ilalagay.
Inihalimbawa nito ang mga ginagawang tulay sa lalawigan na kailangang lagyan ng flood control upang maiwasan ang soil errosion sa paligid ng tulay.
Marami aniyang malalaking ilog sa lalawigan na nagdurugtong kaya maraming lugar na nababaha pangunahin sa ibabang bahagi o sa 1ST District.
Giit ng kongresista na hindi porke nabanggit ang lalawigan sa may maraming flood control project ay mayroon nang korapsyon at hindi kailangan ang mga ginagawang proyekto.
Muli naman niyang tiniyak na kanilang iimbestigahan ang isyu ng bumagsak na tulay sa lalawigan upang malaman kung saan talaga napunta ang pondong inilaan dito.











