Itinanggi ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang pangunahing pinagkakaabalahan ng Kongreso, iginiit na nakatuon din ito sa pagtugon sa krisis sa langis.
Sa panayam nitong Linggo, Marso 22, sinabi ni Ridon na aktibong binabantayan ng Kongreso ang mga hakbang ng Executive Department upang matulungan ang mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Gayunman, binigyang-diin ng mambabatas na mahalaga ring panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan na inaakusahan ng paglabag sa batas at sa tiwala ng publiko.
“Bantayan natin ang mekanismo sa pagpapanagot, pero bantayan din natin ang interventions ng pamahalaan para mapababa ang presyo ng produktong petrolyo dahil maraming bagay ang nakasalalay dito,” ani Ridon.
Noong nakaraang linggo, pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang masuspinde ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Inaasahang lalagdaan ng Pangulo ang naturang panukala upang agad na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa lokal na merkado.
Ayon pa kay Ridon, hindi rito nagtatapos ang tungkulin ng Kongreso, dahil patuloy itong makikipagtulungan sa ehekutibo upang matiyak na naipapamahagi nang maayos ang mga ayuda, kabilang ang fuel subsidy, sa mga benepisyaryo.
Dagdag pa niya, naghahanap na rin ng mga paraan upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta sa iba’t ibang sektor, partikular sa transportasyon, agrikultura at pangingisda, habang nananatiling hindi normal ang sitwasyon sa Gulf region, lalo na’t nananatiling suspendido ang fare increase.











