Maglalagay na ng Alternate Temporary Passageway o Bridge Connector sa Span No. 3 ng Cabagan–Sta. Maria Bridge upang muli itong buksan sa mga light vehicles sa buwan ng Marso
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano ng Isabela, sinabi niya na ang naturang proyekto ay isasagawa bilang pansamantalang solusyon upang maibalik ang daloy ng trapiko at koneksyon ng mga apektadong lugar habang inaayos ang nasirang bahagi ng tulay na gumuho noong Pebrero 2025.
Aniya, dahil mahaba ang nasirang span ng tulay, lalagyan ito ng karagdagang poste sa gitna upang mas maging matibay. Magkakaroon din ng pansamantalang detour na madadaanan ng mga light vehicles habang inaayos ang mismong span ng tulay.
Lahat ng pagitan ng orihinal na span ay lalagyan ng poste sa gitna upang mas mapaliit ang espasyo at maging mas matibay ang daanan para sa mga motorista.
Dagdag pa ni Gov. Albano, aayusin din ang mga turnilyo sa gilid ng tulay, lalo na sa mga arko nito, upang masiguro ang kaligtasan ng mga sasakyan.
Sa kasalukuyan, hindi pa tiyak ng gobernador kung magkano ang inilaan na pondo para sa rehabilitasyon ng tulay.
Gayunpaman, ipinangako ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sa buwan ng Marso ay maaari nang daanan ng light vehicles ang tulay. Kapag natapos na rin ang karagdagang poste, puwede nang dumaan ang mga mabibigat na sasakyan.
Muli rin niyang pinaalalahanan ang mga may-ari ng malalaking truck na nagkakarga ng mabibigat na kargamento na iwasan ang overloading, dahil ito ang pangunahing dahilan ng pagkasira at pagguho ng mga tulay.
Ang mga alkalde na aniya ng dalawang bayang nakakasakop ng tulay ang naatasang magtalaga ng checkpoint ng PNP magbabantay sa magkabilang bahagi ng tulay upang maiwasan nang maulit ang pagguho nito.
Tiniyak naman niya na ipapainspeksyon niya ang lahat ng mga tulay sa lalawigan na posibleng mayroon nang sira upang magawan ng paraan para maayos.










