--Ads--

CAUAYAN CITY – Maituturing na hindi debate ang katatapos na Presidential at Vice Presidential Debate na inorganisa ng COMELEC dahil sa napaka-iksing oras na ibinigay para sa rebuttal.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Professor Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya na tila weird ang policy ng COMELEC na hindi maaring mag-usap ang mga kandidato na kinakailangan para sa isang debate.

Sinabi ni Prof. Arao na lahat ng katanungan ay ibinibigay sa moderator na siyang magbabato ng mga katanungan laban sa katunggali na dapat ay baguhin.

Sinabi pa ni Prof. Arao na sa rebuttal ay maaring gawing bunutan kung sino ang magtatanong at mayroong time limit din sa sagot ng isang kandidato.

--Ads--

Magkaroon din anya ng one on one debate.

Mungkahi ni Prof. Arao na sakaling mayroong pang susunod na debate ay nais niyang mabigyan ng sapat na oras ang interpolation at rebuttal portion ng debate.

Nilinaw niya na para matawag na debate ay kailangang lahat ng mga kandidato ay mag-rebutt at mag-interpolate.

Samantala, inihayag pa ni Prof. Arao na bagamat maituturing na unruly ang inasal ni Dating Kinatawan Walden Bello na kuwestyunin ang hindi pagdalo ng ilang kandidato ay mayroon naman siyang dahilan para magalit.

Kailangan din na intindihin ang galit ng ilang kandidato dahil palaging hindi dumadalo sa mga isinasagawang debate pangunahin si presidential aspirant Bong Bong Marcos at Vice presidential aspirant Sara Duterte-Carpio.

Hindi anya sapat ang kanilang pangangampanya dahil maituturing itong one sided o para lamang sa kapakanan ng mga kandidato habang sa mga isinasagawang debate ay matutukoy kung gaano kahanda at kung ano ang mga plataporma ng mga kumakandidato.