CAUAYAN CITY – Bumuo ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng kooperatiba na bibili sa aning palay ng mga magsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan, sinabi niya na ang pagbuo ‘Nagkaisang mga Magsasaka sa Isabela Cooperative’ ay paghahanda ng panlalawigang kapitolyo sa epekto ng umiiral na Rice Tarrification Law.
Ang kooperatiba ang bibili sa aning palay ng mga magsasaka sa Isabela sa pamamagitan ng tinatawag na premium price.
Sa isinagawa aniyang pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan ay ipinakilala ni Gov. Rodolfo “Rodito” Albano III at Vice Gov. Faustino “Bojie” Dy III ang nasabing kooperatiba.
Sumang-ayon na umano ang Landbank of the Philippines na magpautang ng Php 500 million kaya nabuo ang kooperatiba.
Ang pondo ay ipapautang sana ng Landbank sa mga magsasaka subalit hinikayat nina Gov. Albano at Vice Gov. Dy ang bangko na ibigay sa binuong kooperatiba upang na pambili ng ani ng mga magsasaka.
Pagangasiwaan ito ni dating Congresswoman Ana Cristina Go ng 2nd district ng Isabela.
Inaasahan na magsisimulang bumili ng palay ang kooperatiba sa buwan ng Disyembre 2019.
Ayon pa kay Mr. Santos, ang kooperatiba ay para sa mga marginalized farmers o ang mga magsasaka na may tinataniman ng palay na isang ektarya pababa.
Maaari lamang nilang ibenta ay 80 na kaban sa bawat ektarya.
Pagkatapos aniya ng pagpapakilala sa kooperatiba ay mag-iikot na ang mga pinuno nito sa mga bayan at lunsod sa Isabela para ipaliwanag ang set up ng kooperatiba.
Kasabay nito ang paghikayat nila sa mga mamamayan na sumailalim sa seminar tungkol sa kooperatiba bago sila maging miyembro ng ‘Nagkaisang mga Magsasaka sa Isabela Cooperative’.