--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ng candle lighting ang mga mamamayan ng Korat, Thailand gayundin na pinagsusuot ng itim na damit ang kanilang mga opisyal bilang pakikidalamhati sa mga mamamayan nilang namatayan dahil sa pag-aamok ng isang sundalo noong linggo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong John Patrick Benliro, tubong Puerto Princesa City, Palawan, at nagtatrabaho bilang isang guro sa Phitsanulok, Thailand, sinabi niya na nagsasagawa ng candle lighting ang mga mamamayan ng Korat sa harap ng Terminal 21 mall bilang pakikidalamhati sa mga namatayan.

Bukod dito ay may mga nag-alay din ng bulaklak.

Ayon pa kay Ginoong Benliro, naglabas na rin ang prime minister ng Korat ng kautusan na kailangang magsuot ng itim na damit ang mga opisyal ng Korat bilang pakikiramay pa rin sa mga namatayan.

--Ads--

Ito aniya ay tatagal ng isa hanggang dalawang linggo.

Sa ngayon aniya ay pinaigting na rin ang seguridad sa lugar lalong-lalo na sa mga mall.

Ayon kay Ginoong Benliro, bukod sa nasabing lugar ay apektado rin ngayon ang buong gobyerno ng Thailand.

Kung matatandaan ay nag-amok si Jakrapanth Thomma, 32-anyos, isang sundalo noong linggo na nagresulta ng pagkasawi ng 29 at pagkasugat ng 58.

Tinig ni John Patrick Benliro, tubong Puerto Princesa City, Palawan, at nagtatrabaho bilang isang guro sa Phitsanulok, Thailand.