Opisyal nang inanunsyo ng AM Entertainment na ikakasal na ang celebrity couple na sina Kim Woo-bin at Shin Min-ah. Gaganapin ang kanilang private wedding sa Seoul sa December 20, kasama ang kanilang pamilya, kamag-anak, at malalapit na kaibigan.
Matagal nang magkasintahan ang dalawa, na nagsimulang mag-date noong 2015 matapos magkatrabaho sa isang modeling project para sa isang clothing brand. Sa loob ng halos isang dekada ng kanilang relasyon, naging matatag ang kanilang samahan habang parehong aktibo sa kanilang mga proyekto sa industriya.
Nagkasama sila sa 2022 series na Our Blues, na nagsilbi ring comeback project ni Woo-bin matapos ang kanyang gamutan para sa cancer, bagama’t hindi sila magkapareha sa naturang drama.
Si Kim Woo-bin ay sumikat sa seryeng The Heirs at nakilala rin sa Uncontrollably Fond, Black Knight, Alienoid movies, at Genie, Make A Wish. Si Shin Min-ah naman ay kilala sa My Girlfriend is a Gumiho, Hometown Cha-Cha-Cha, Oh My Venus, Karma, at nakatakdang lumabas sa The Remarried Empress sa susunod na taon.











